Naniniwala si Pangulong Bongbong Marcos na hindi matutugunan ang problema sa matinding traffic kung hindi magkakaroon ng maayos na mass transit system sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Town Hall Meeting on Traffic Concerns, sinabi ng pangulo na ito ang dahilan kung bakit nakatutok ang pamahalaan sa pagpapatayo ng mga imprastraktura kontra sa trapiko.
Partikular aniya rito ang pagpapatayo ng subway at iba pang railway project.
Ayon sa pangulo, kung hindi kasi maililipat ang mga commuter na sumasakay sa bus, tricycle, jeepney, o ng sarili nilang sasakyan sa mga mass transit ay hindi talaga masusolusyunan ang problema sa traffic.
Inihalimbawa dito ng pangulo ang sitwasyon sa ibang bansa, partikular sa New York at London, kung saan karamihan sa mga tao ay tren ang ginagamit.
Malaking oras aniya ang nasasayang sa publiko dahil sa mabigat na daloy ng trapiko, bukod pa sa nasasayang na gasolina at gastos ng mga commuter.