
Itinuturing ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na malaking problema ng bansa ang online gambling, bukod pa sa dumaraming mga online scam gamit ang artificial intelligence at digital currency.
Ayon sa Pangulo, patuloy na gumagawa ng paraan ang gobyerno para protektahan ang mga Pilipino laban sa mga sindikatong kumikita sa panloloko.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng Anti-Financial Account Scamming Act, pagtatatag ng E-Commerce Bureau para sa reklamo at tulong online, at pagpapatupad ng SIM Registration Act para maiwasan ang mga pekeng transaksyon.
Kasama rin sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga Pilipino para sa mga bagong trabaho sa AI, cybersecurity, at e-commerce.
Bilang unang tugon sa lumalaking isyu ng online sugal, ipinahinto na ng gobyerno ang access sa ilang mobile apps at websites na ginagamit sa sugal para maprotektahan ang publiko at ang sistema ng pananalapi ng bansa.









