
Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan anuman ang mangyari oras na lumala pa ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ipinatawag na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang pulong ang mga miyembro ng kaniyang economic team para talakayin ang binabantayang epekto ng tensyon sa Middle East.
Partikular sa pinaghahandaan ang pagpapatupad ng fuel subsidy sa mga operator at driver ng public utility vehicles (PUV) na direktang maaapektuhan kapag nagpatuloy ang pagsirit ng presyo ng petrolyo.
May nakalaan aniyang ₱2 billion na pondo para sa fuel subsidy, na layong maibsan ang epekto sa mga PUV operator at drivers, pati na sa mga commuter.
Naniniwala ang Palasyo na magkakaroon ng “domino effect” o madadamay ang iba pang sektor kung magpapatuloy ang bakabakan ng dalawang bansa, partikular ang logistics at kalakalan.









