Kinumpirma ni White House Press Secretary Karine Jean – Pierre na muling magkakaroon ng bilateral talks sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at United States President Joe Biden sa White house sa darating na Mayo 1.
Sa official statement ng White House Press Secretary, nakasaad na sa gagawing pangalawang bilateral talks nina President Marcos Jr., at President Biden ay muling pagtitibayin ang commitment ng dalawang bansa para sa pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas.
Pag-uusapan din ng dalawang lider ang mga hakbang upang mas mapalakas pa ang matagal nang alyansa o magandang relasyon ng Pilipinas at Amerika.
Sa pahayag pa ng White House Press Secretary, kabilang din sa gagawin ng dalawang lider ay ang pag-review sa mga oportunidad upang mas mapalalim ang economic cooperation at ma-promote ang inclusive prosperity ng dalawang bansa.
Pag-uusapan din ng dalawang lider ang special people to people ties, maging ang gagawing pag-invest sa clean energy transition at paglaban sa epekto ng climate change kabilang pa ang pagtiyak na naipatutupad ang respeto sa karatapang pantao.
Tatalakayin din ng dalawang lider ang mga regional matter at pag-uusapan ang mga hakbang para sa pagsunod sa international law at mai-promote ang free at open Indo – Pacific.
Samantala, kinumpirma na rin ng Palasyo ng Malacañang ang pagtungo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Washington D.C para sa gagawing official visit.
Sa ulat ng Presidential Communications Office ang official visit ng pangulo sa Washington D.C ay mula April 30 hanggang May 4.
Pahayag pa ng PCO, makakasama ni Pangulong Marcos Jr. sa bilateral talks kay President Biden ang kanyang ilang cabinet officials.