Nagkausap na sa unang pagkakataon sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa pamamagitan ng tawag sa telepono kahapon.
Sa Twitter post ni Ukrainian President Zelenskyy, sinabi nitong nagpapasalamat siya kay Pangulong Bongbong Marcos dahil sa pagtawag o phone call nito na maituturing aniyang history sa bilateral relations sa pagitan ng Ukraine at Pilipinas.
Nagpapasalamat ang pangulo ng Ukraine kay Pangulong Marcos dahil sa suporta nito na ipaglaban ang sovereignty at territorial integrity ng Ukraine.
Napag-usapan din daw nila kung papaano pa mas mapapalalim ang kooperasyon lalo na ang usapin sa international platforms.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos, sinabi nito sa kanyang Twitter post na isang karangalan para sa kanya na makausap si Ukrainian President Zelenskyy.
Sinabi raw ng pangulo kay President Zelenskyy na may paghangang nagmamasid lamang ang Pilipinas sa ipinapakita nitong katapangan at pagmamahal sa bayan lalo na sa panahong nasa krisis ang mga Ukrainian.
Sinabi pa ng pangulo sa kanyang Twitter na kasama ng Ukraine ang Pilipinas sa pagkamit ng peaceful resolution sa harap ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Matatandaang February 24, 2022 nang magsimulang sakupin nang Russia ang ilang bahagi ng Ukraine at hanggang ngayon ay nagpapatuloy na ipinaglalaban ng Ukraine ang kanilang teritoryo.