Tatlong minutong nagkausap sina Pangulong Bongbong Marcos at United States President Joe Biden sa Phnom Penh Cambodia.
Sila ay nagkasalubong sa Sokha Phnom Penh Hotel matapos ang ginanap na closing ceremony ng 40th at 41st ASEAN Summits.
Sa maikling pag-uusap, tinalakay ng dalawang lider kung kailan magkakaroon ng mas malalim na pag-uusap para maidetalye ang kanilang napag-usapan noon sa New York City nang dumalo ang pangulo sa United Nations General Assembly o UNGA.
Sinabi ng pangulo na una na siyang nakipag-usap kay Secretary of State Anthony Blinken para sa mga detalye ng mga dapat pag-usapan.
Ikinatuwa naman ng US president ang pahayag na ito ng Pangulong Marcos.
Si President Biden ay nasa Cambodia at pinangunahan ang American delegation para sa ASEAN Summits.