Hindi magiging kumpleto ang isinusulong na Bagong Pilipinas kung wala ang Bangsamoro Region na umuusad sa ilalim nito.
Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng ipinalutang na panawagang pagkalas ng Mindanao sa Pilipinas.
Sa 17th Meeting ng Intergovernmental Relations Body ng National Government at Bangsamoro Government, sinabi ng pangulo na ang mas matatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay daan sa mas matatag na Mindanao at ang matatag na Mindanao ay daan sa mas matatag na Pilipinas.
Sa harap naman ng nakatakdang kauna-unahang Bangsamoro Parliament Elections sa 2025 ay iginiit ng pangulo, na hindi dapat hayaang manaig ang anumang pwersang labag sa proseso ng demokrasya at hindi dapat hayaang masindak ng karahasan, pananakot, at panunuhol ang kahit isang botante.
Inilatag din ni Pangulong Marcos ang mga bagong programa upang makamit ang tunay na kaunlaran at kapayaan sa Bangsamoro.
Partikular dito nalagdaang diplomatic notes sa pagitan ng Pilipinas at Japan para sa pagbili ng $6.8 million na halaga ng construction equipment para sa road network improvement at disaster quick response operation sa BARMM gayundin ang guidelines ng petroleum service contract at coal operating contracts.