Balik-bansa na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos na dumalo sa 29th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
Alas-10:39 kagabi nang dumating sa Maynila ang pangulo kasama ang delegasyon ng Pilipinas.
Sa kanyang ulat sa bayan, inisa-isa ni Pangulong Marcos ang mga usaping tinalakay sa summit ng mga leader at kinatawan ng 21 member economies gaya ng isyu sa climate change, supply chain, food supply, digitalization at women empowerment.
Inilarawan pa ito ng pangulo bilang isang nakapakapaki-pakinabang at produktibong proseso.
Sa summit, hinikayat ni Marcos ang APEC member economies na tugunan ang mga hamong kinahaharap ng rehiyon sa service sector partikular ang shipping at logistics sectors na nagsisilbing “backbone” ng global trade and investment.
Dapat din aniyang iprayoridad ang food security, patuloy na mag-invest sa pandemic preparedness at tiyakin ang katatagan ng global health system.
Tinawag naman ng pangulo na “the greatest existential threat” ang climate change na dapat tugunan ng APEC leaders gayundin ang pagpapalakas ng suporta sa digitalization ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Nabatid na nagkaroon ng bilateral meeting si Marcos sa mga pinuno ng China, Saudi Arabia, France, New Zealand at Australia.
Nakipagkita rin sila sa Thai businessmen at sa Filipino community.