
Balik-trabaho na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos magkasakit at isailalim sa magdamag na medical observation.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakabalik na sa Malacañang ang pangulo at inaasahang haharap sa dalawang pribadong pulong ngayong hapon.
Ani Castro, hinihintay pa rin ng Palasyo ang rekomendasyon ng mga doktor, partikular kung papayagan ang pangulo na bumiyahe patungong Ilocos Norte para sa kanyang nakatakdang aktibidad bukas.
Bagama’t hindi pa muling personal na nakikita sa publiko si Pangulong Marcos, tiniyak ng Palasyo na maayos na ang kanyang kalagayan batay sa medical assessment ng mga doktor.
Kinumpirma rin ng Malacañang na dinala ang pangulo sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City para sa observation at pinayagan nang makauwi matapos masigurong nasa mabuting kondisyon.
Nanatiling tikom ang Palasyo sa detalye ng eksaktong karamdaman ng pangulo.
Dahil sa kanyang kondisyon, hindi nakadalo ang pangulo sa awarding ceremony ng Ten Outstanding Young Men 2025 na ginanap sa Palasyo kanina.
Kahapon naman, nakadalo pa ang pangulo sa magkahiwalay na aktibidad sa Intramuros at Cotabato City bago siya makaramdam ng hindi magandang pakiramdam.










