PBBM, binanatan ang China sa harap ni Trump at ASEAN leaders; planong magtayo ng reserve sa scarborough, tinuligsa!

Sa harap ni US President Donald Trump at ng mga Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) leaders dito sa Kuala Lumpur, Malaysia, tila nagsumbong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Sa 13th ASEAN–U.S. Summit at 20th ASEAN East Asia Summit, iginiit ng Pangulo ang agresibong kilos ng China, kabilang ang mga “dangerous maneuvers” at “coercive actions” na humahadlang sa mga lehitimong aktibidad ng bansa sa sariling karagatan.

Bagama’t hindi tuwirang binanggit ang pangalan ng China, malinaw ang pahiwatig ng Pangulo nang igiit niya ang pagsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas.

Tinuligsa rin ng pangulo ang planong pagtatatag ng “Huangyan Island National Reserve” ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na isang hakbang na aniya’y malinaw na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas at sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

Ito ang unang beses na hayagang binatikos ng pangulo ang aksyon ng China sa harap mismo nito at sa multilateral na pagtitipon mula nang aprubahan ito ng State Council ng China noong Setyembre.

Sa kabila ng tensyon, nanindigan si Marcos na mananatiling mahinahon ngunit matatag ang Pilipinas sa pagsusulong ng Code of Conduct sa South China Sea alinsunod sa international law.

Facebook Comments