‘Outstanding mark’ ang ibinigay ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo sa unang taon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pwesto.
Para kay Salo, natupad ni PBBM ang kanyang ipinangako na pagkakaisahin ang mga Pilipino na nagkahati-hati dahil sa nakaraang eleksyon.
Diin pa ni Salo, patuloy ring tinutupad ni Pangulong Marcos ang iba pa niyang pangako noong panahon ng kampanya tulad ng pagbawas sa bilang mga Pilipinong walang trabaho na ayon sa Philippine Statistics Authority, ay bumaba sa 4.5% nitong April 2023 mula sa 5.2% noong July ng nakaraang taon.
Ikinalugod din ni Salo na sinimulan na ni Pangulong Marcos ang pagtupad sa pagtatayo ng 1 milyong pabahay kada taon sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Project.
Kasama rin sa pinuri ni Salo ang pagbawas sa kriminalidad ng 11% base sa report ng Philippine National Police na nakapagtala ng 12,226 crime incidents sa unang apat na buwan ngayon taon kumpara sa 13,763 na mga krimen na naitala sa kaparehong panahon noong 2022.
Pinasalamatan din ni Salo ang mahuhusay na hakbang ng administrasyon na nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng Overseas Filipino Workers at seafarers tulad ng pagiging fully operational ng Department of Migrant Workers (DMW).