PBBM, biyaheng Amerika sa April 11 para sa US-Japan-Philippines Trilateral Summit

Babiyaheng Amerika si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa April 11 para lumahok sa kauna-unahang United States-Japan-Philippines Trilateral Summit.

Batay sa abiso ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Presidential Communications Office (PCO), tutulak sa Washington, D.C. ang pangulo upang isulong ang interes ng magkabilang panig sa usapin ng depensa, seguridad, at ekonomiya.

Ang summit ay isang pagkakataon para sa Pilipinas na patatagin ang alyansa nito sa Estados Unidos at Japan.


Magkikita-kita sa Washington, D.C. sina Pangulong Marcos, US President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Kishida Fumio kung saan bibigyang-diin ang trilateral cooperation at mas pagpapaigting sa ugnayan at kolaborasyon ng US sa dalawang bansa.

Inaasahang tatalakayin sa summit ang maritime cooperation, infrastructure development, economic resiliency, trade & investments, clean energy, klima, cyber security, digital economy, at iba pang mga usapin.

Samantala, habang nasa Washington ang pangulo ay magkakaroon sila ng pulong ni President Biden at inaasahang pag-uusapan ang estado ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika at ang pangako ng magkabilang panig na mas patatagin pa ang alyansa.

Facebook Comments