PBBM, biyaheng Germany at Czech Republic sa March 11 hanggang March 15

Matapos ang back-to-back trips sa Australia noong nakaraang linggo, lalabas muli ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa susunod na linggo.

Ayon sa Palasyo ng Malacañang, babiyahe ang pangulo, kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos, sa March 11 hanggang March 15, patungong Germany para sa isang working visit, at sa Czech Republic para naman sa kaniyang state visit.

Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Marcos kay German Chancellor Olaf Scholz sa Berlin.


Pagdating naman sa Czech Republic, makikipagpulong ang pangulo sa apat na head of state na sina Czech-President Petr Pavel, Prime Minister Petr Fiala, Senate President Miloš Vystrčil, at Chamber of Deputies President Markéta Pekarová Adamová.

Makikipagkita rin si Pangulong Marcos Jr., sa mga malalaking negosyante sa Germany at Czech Republic upang mapalawak ang oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan.

Ang biyahe ng pangulo sa dalawang nabanggit ng bansa ay bilang tugon sa imbitasyon nina Czech Prime Minister Petr Fiala nang bumisita ang mga ito sa bansa noong April 2023 at German Federal Foreign Minister Annalena Baerbock noong Enero 2024.

Facebook Comments