PBBM, biyaheng Nueva Ecija para sa mga aktibidad na may kinalaman sa agrikultura

Biyaheng Nueva Ecija si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw para sa serye ng aktibidad na may kinalaman sa agrikultura.

Alas-nuwebe nang umaga ay pormal na itu-turnover ng Pangulo ang 16 Mobile Soil Laboratory (MSL) units sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa Science City of Muñoz.

Ang mga MSL ay isang 10-wheeler truck na modernong laboratoryo na kayang magsagawa ng 44 soil at water chemical analysis.

Layunin nitong maabot ang malalayong komunidad at masigurong angkop at napapanahon ang pagsusuri para sa mga magsasaka.

Kasabay nito, bibigyang pagkilala ni PBBM ang mga national awardees ng ika-50 Gawad Saka, na siyang pinakamataas na parangal para sa mga outstanding farmer at fisherfolk.

Matapos ang seremonya sa PhilRice, magtutungo ang Pangulo sa Barangay Franza para pasinayaan at i-turnover ng Rice Processing System II facility.

Ang makabagong pasilidad ay binubuo ng multi-stage rice mill at dalawang mechanical dryers, na idinisenyo para mabawasan ang postharvest losses at mapataas ang kita at kalidad ng bigas.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na isa sa kaniyang mga prayoridad ang sektor agrikultura para matiyak ang food security at mas maunlad na buhay ng mga magsasaka.
+

Facebook Comments