
Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa China para sa joint oil at gas project sa South China Sea.
Sa panayam sa Bloomberg, sinabi ng pangulo na maaaring makatulong ang tensyon sa Middle East para maibalik ang naudlot na negosasyon noong 2023.
Ayon sa pangulo, nagbabago na ang ugnayan ng Pilipinas at China dahil sa pandaigdigang sitwasyon.
Gayunman, nilinaw ng pangulo na magkaiba ang isyu sa teritoryo at ang ugnayang pang-ekonomiya, at tuloy pa rin ang kooperasyon, kabilang ang suplay ng pataba mula China.
Sa usapin ng sigalot na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, sinabi ng pangulo na hindi pabor ang Pilipinas sa digmaan.
Nakatuon ang patakarang panlabas ng bansa sa kapayapaan at pambansang interes, at umaasang mabilis na matatapos ang tensyon.










