PBBM, bukas sa hirit ng mga magsasaka na taasan ang buying price ng palay

Inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga magsasaka sa San Ildefonso, Bulacan ang ilang mga paraan ng pamahalaan para hindi sila malugi sa kanilang mga produkto.

Sa kaniyang pakikipagdayalogo sa mga magsasaka, sinabi ng pangulo na pag-aaralan ng pamahalaan kung posibleng maitaas pa ang kasalukuyang presyo ng pagbili ng palay ng National Food Authority (NFA).

Sa gitna ito hirit ng ilang magsasaka na taasan ang buying price ng palay, para umangat din ang kanilang benta sa harap ng mga reklamong pambabarat ng ilang traders na bumibili ng palay.

Ayon sa pangulo, babalansehin nila ang buying price sa presyo ng bigas sa mga palengke para masiguro din na hindi sasakit ang bulsa ng mga consumer, at hindi malulugi ang mga magsasaka.

Dagdag ng pangulo, kasalukuyan nang pinag-aaralan ang panukalang “floor price” sa pagbili ng palay para walang malugi sa mga magsasaka.

Kailangan din aniyang dagdagan ang tulong sa sektor gaya ng mga bagong makina, dryer, at milling equipment para mapataas ang kanilang produksyon.

Facebook Comments