PBBM, bukas sa planong patawan ng buwis ang mga online gaming operators

Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa rekomendasyon ng Department of Finance (DOF) na patawan ng buwis ang mga online gaming operators para maresolba ang mga isyung kaakibat ng online gambling.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, batid ng pangulo ang panganib sa mga indibidwal na lulong sa sugal kaya’t hindi nito tututulan ang panukala basta’t may sapat na pag-aaral tungkol sa uri at saklaw ng buwis na ipapataw.

Bukod dito, mas paiigtingin din aniya ng pamahalaan ang kampanya laban sa mga hindi rehistradong online gaming platforms.

Samantala, bukas din ang Palasyo na pag-aralan ang panukalang total ban sa online games.

Ang lahat aniya ng suhestiyon para limitahan ang epekto ng online gambling, lalo na sa mga nalululong dito ay susuportahan ito ng pangulo.

Facebook Comments