
Nananawagan si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na agad magdeklara ng state of national emergency kapag nabigyan na siya ng emergency powers para suspendehin ang implementasyon ng excise tax sa produktong petrolyo.
Sinabi ito ni Ridon, makaraang aprubahan ng House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na magkakaloob sa pangulo ng emergency powers na inaasahang pagtitibayin na sa plenaryo ng Kamara sa lalong madaling panahon.
Ang panukala ay tugon sa tumataas na presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Paliwanag ni Ridon, ang deklarasyon ng state of national emergency ay daan para agad makapaghatid ng tulong ang gobyerno sa mga apektadong sektor tulad ng mga magsasaka, mangingisda, public transport operators, maliliit na negosyo at low income households.










