
Nanawagan si Senator Juan Miguel Zubiri na pangalanan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang mga mambabatas na nag-sponsor ng mga substandard na mga flood control projects sa bansa.
Ayon kay Zubiri, hindi lamang mga contractors ang dapat na tukuyin ng Pangulo kundi pati ang mga senador at kongresista na nag-sponsor na mabigyan ng budget ang palyadong proyekto.
Kalimitan aniya ay wala sa National Expenditure Program (NEP) ang mga kontrobersyal na flood control projects dahil ito ay biglang lumilitaw sa bicameral conference committee o bicam at ito’y gawa ng mga mambabatas.
Iginiit pa ng mambabatas na pakilusin ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) upang imbestigahan ang mga kontraktor.
Dapat din aniyang kasuhan at maipa-blacklist ang mga contractors na nasa likod ng palpak na flood control dahil ito ay public infrastructure.










