
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na palawakin pa ang impormasyon tungkol sa Cancer Assistance Fund Program at tiyaking mabilis ang proseso ng aplikasyon.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakakadismayang kakaunti lamang ang nakakaalam sa Cancer Assistance Fund Program na nagbibigay ng hanggang ₱150,000 na tulong pinansyal sa mga cancer patient.
Malaking tulong aniya ang programang ito sa mga pasyente, ngunit hindi ito napakikinabangan nang husto dahil kulang sa impormasyon ang publiko.
Ang Cancer Assistance Fund ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pagsusumite ng medical abstract, reseta, o treatment plan sa alinman sa 34 na DOH-accredited hospitals sa buong bansa.
Ilan sa mga ito ang PGH, Tondo Medical Center, Baguio General Hospital, at Bicol Medical Center. Sa Visayas, sa Vicente Sotto Medical Center sa Cebu o sa Eastern Visayas Medical Center naman sa Tacloban. Sa Mindanao, naman ang Zamboanga City Medical Center at Amai Pakpak Medical Center.
Pagtitiyak ng Pangulo, may nakatalagang social workers o personnel sa bawat ospital na tutulong sa assessment ng mga pasyente.
Kapag naaprubahan ang aplikasyon, agad na magagamit ang pondo para sa mga kinakailangang gamutan at diagnostic tests.
Itinutulak din ng Pangulo na dagdagan pa ang mga hospital na maaaring tumanggap ng aplikasyon upang mas maraming Pilipino ang makinabang.









