PBBM, dismayado sa mga opisyal na pa-“chill-chill” sa abroad habang binabagyo ang bansa —Malacañang

Iginiit ng Malacañang na walang puwang sa gobyerno ang mga opisyal na “chill-chill” lang habang binabayo ng kalamidad ang kanilang mga nasasakupan.

Pahayag ito ng Palasyo matapos bumiyahe ang ilang lokal na opisyal sa abroad sa kabila ng travel ban na ipinalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dismayado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ganitong aksyon habang ang kanilang mga lugar ay sinasalanta ng Bagyong Tino.

Bagama’t bibigyan pa rin naman sila ng pagkakataong magpaliwanag at alamin kung ito ay trabaho o bakasyon, tungkulin aniya ng mga halal na opisyal na unang rumesponde sa panahon ng sakuna.

Malinaw rin ang utos ng pangulo na trabaho muna bago bakasyon at hindi puwedeng mag-relax habang naghihintay ng tulong ang taumbayan.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng DILG ang mga opisyal na umalis ng bansa sa kasagsagan ng Bagyong Tino at inaasahang mag-re-report ang ahensya kay Pangulong Marcos matapos ang imbestigasyon.

Facebook Comments