
Nagpadala na nga ng scuba diver si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang siyasatin ang mga reklamo tungkol sa proyektong layong pigilan ang pagbaha sa Calumpit, Bulacan.
Matapos ang pagsisid, nadiskubre mga diver na natabunan ng makapal na putik at buhangin ang ilalim ng slope protection.
Dahil dito, nahirapang makita kung may suporta pa itong sheet piles pero nang kapkapan ay lumabas na hindi na nakakabit ang beam sa mga sheet pile at may malaking siwang o pagitan sa dalawa.
Kinakailangang magkadikit ang beam at sheet pile para masigurong matibay ang istruktura, pero malinaw na may depekto sa pagkakagawa.
Muli namang pinuna ng pangulo ang mga iregularidad sa flood control programs kung saan isa ang Bulacan sa may pinakamaraming flood control projects na nagkakahalaga ng mahigit P6.5 billion.
Dismayado rin ang pangulo sa contractor na St. Timothy Corporation sa kinalabasan ng proyekto sa Brgy. Bulusan sa Calumpit.
Isa ang bayan ng Calumpit sa nagdeklara ng state of calamity noong Hulyo dahil sa malawakang pagbahang naranasan na epekto ng habagat.









