
Dismayado si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sumbong na ipinarating sa kanya nina Ombudsman Boying Remulla at Interior Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa tangkang panunuhol sa kanila.
Batay sa ulat, may mga nagtangkang suhulan ang magkapatid ng tig-iisang bilyong piso bawat isa habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi katanggap-tanggap para sa Pangulo na may magtangkang manuhol sa mga opisyal na mismong nagsusulong ng imbestigasyon laban sa korapsyon.
Nilinaw naman ni Castro na wala umanong iniutos ang Pangulo kina Remulla kaugnay sa mga susunod na hakbang laban sa mga sangkot sa tangkang panunuhol.
Dagdag pa niya, tiwala ang Pangulo sa integridad ng magkapatid at naniniwalang hindi matitinag ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod at paglaban sa katiwalian.









