
Handang-handa na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-ulat sa bayan para sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ngayong araw.
Ayon kay Pangulong Marcos, bagama’t magkakahawig ang nilalaman ng mga SONA taun-taon, asahan aniyang magiging kakaiba ang ulat niya ngayong taon batay sa kasalukuyang hamon at kalagayan ng bansa.
Sa inilabas na video ng Pangulo sa social media, ipinasilip niya ang ilang ginawang paghahanda para sa kanyang taunang ulat sa bayan.
Kabilang ang pag-eensayo niya ng talumpati habang nakatayo sa podium sa loob ng Kalayaan Hall ng Malacañang.
Nakangiti ang Pangulo habang nagbabasa at nagsasalita sa harap ng ilang opisyal at kawani na nanonood sa kaniyang SONA practice.
Itatampok dito ang kasalukuyang estado ng bansa at ang mga programang sinimulan sa ilalim ng kaniyang administrasyon na inaasahang magpapatuloy hanggang sa huling bahagi ng kaniyang panunungkulan.









