Naghahanap na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng mamumuno sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU).
Sa panayam sa pangulo habang sakay ng eroplano patungong Switzerland, sinabi niyang hihingi siya ng shortlist kay Defense Sec. Carlito Galvez kung sino-sino ang maaaring pumalit dito sa dating posisyon.
Importante aniyang magkaroon ng mahusay na mamumuno sa OPAPRU na kayang ipagpatuloy ang nasimulang trabaho ni Galvez.
Sa harap na rin ito ng transition sa Bangsamoro kung saan inaayos pa ang relasyon sa pagitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ng mga lokal na pamahalaan.
Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Marcos ang executive order para sa reorganization ng bumubuo sa inter-Cabinet body para mamahala ng normalization process sa Bangsamoro Region.
Sakop ng prosesong ito ang mga usaping may kinalaman sa seguridad, kabuhayan, politika, hustisya at pagkakasundo.