Monday, March 23, 2026

PBBM, hinamon na pirmahan ang urgent bill na magsususpinde sa excise tax sa langis

Hinamon ng grupong Artikulo Onse si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan na ang urgent bill na magsususpinde sa excise tax sa produktong petrolyo.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Lorenzo “Erin” Tañada III na hindi na dapat hintayin ng pangulo na umabot pa sa ₱120 kada litro ng diesel o $125 kada bariles ang presyo ng langis bago umaksyon ang pamahalaan.

Ginawa ni Tañada ang pahayag kasunod ng paglapag sa opisina ng pangulo ng fuel excise tax suspension bill na ipinasa ng Senado at Kamara.

Iginiit ng grupo na dapat nang gamitin ni Pangulong Marcos ang natatanging kapangyarihan na ipinagkaloob ng Kongreso.

Dagdag pa ni Tañada, hindi na dapat maghintay ang administrasyon lalo pa’t walang kasiguruhan kung kailan matatapos ang tensyon sa ibang bansa na nagdudulot ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Umaasa rin ang grupo na maipatupad ang suspensyon sa lalong madaling panahon upang mabawasan ang epekto nito sa mga pamilyang Pilipino.

Ayon sa fuel excise tax suspension bill, maaaring suspendihin ni PBBM ang buwis sa langis kapag lumampas sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai Crude Oil.

Facebook Comments