
Hindi hahadlangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang malawakang kilos-protesta ng taumbayan sa September 21 dahil sa mga nangyayaring korapsyon sa gobyerno.
Ayon sa pangulo, lubos niyang nauunawaan ang galit ng publiko at kung hindi nga aniya siya pangulo ng bansa ay nasa lansangan din siya kasama ang mga nakikilos-protesta.
Siya rin naman aniya mismo ang naglabas ng isyu at interes niya na maresolba ang napakalalang problema sa katiwalian.
Giit ng pangulo, makatarungan ang hinanakit ng publiko at maging siya raw ay galit at naniniwalang dapat singilin at papanagutin ang mga sangkot sa iregularidad.
Gayunman, pinaalalahanan ng pangulo ang publiko na panatilihin ang kapayapaan sa mga kilos-protesta, at nagbabala na obligadong kumilos ang mga awtoridad kung mauuwi ito sa karahasan.
Naniniwala naman ang pangulo na magiging mapayapa ang mga protesta dahil mauuwi lamang aniya ito sa karahasan kung hindi aaksyon ang gobyerno.









