
Walang plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bantayan ang confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa susunod na linggo.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, nakatuon ang pangulo sa pamamahala at sa mga programang magpapagaan sa buhay ng mga Pilipino.
Personal na usapin aniya ng dating pangulo ang reklamong crimes against humanity na inihain kaugnay ng madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Nilinaw rin ng Malacañang na hindi ang kasalukuyang administrasyon kundi ang mga complainant na Pilipino ang naghain ng kaso.
Tinutulan din ng Palasyo ang pahayag ng kampo ni Duterte na siya ay dinukot para dalhin sa ICC.
Ipinakita ni Castro ang isang news article na may petsang March 10, 2025, kung saan sinabi mismo ng dating pangulo na handa siyang sumailalim sa pag-aresto sakaling may lumabas na warrant.
Giit ng Malacañang, kung may kaalaman at kahandaan ang dating lider, walang batayan ang alegasyon ng kidnapping.










