Ayaw makialam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kaso ni dating Senador Leila de Lima.
Ito ay matapos ang hirit ni Senador Imee Marcos na bigyan ng medical checkup at extended home furlough ang dating senador na ngayon ay nakakulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Office of the Press Secretary OIC Usec. Cheloy Garafil na hahayaan ng Malacañang ang korte at ang mga abogado na magdesisyon sa kahihinatnan ni De Lima.
Kamakailan lamang, hinostage ng tatlong bilanggo si De Lima.
Ayaw na rin ng Palasyo na makialam sa hirit ng ilan na iurong na ang kaso laban kay De Lima.
Taong 2017 nang arestuhin sa De Lima dahil sa pagkakadawit nito sa kaso ng illegal drug trafficking sa New Bilibid Prison.
Nakulong si De Lima sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos ang pangho-hostage kay De Lima, sinabi ni Pangulong Marcos na kakausapin niya ang dating senadora para alamin ang kalagayan nito.
Inalok din ng pangulo si De Lima na ilipat ng kulungan para sa kaniyang kaligtasan.
Inatasan din ng pangulo ang PNP na ilatag ang lahat ng kinakailangan na seguridad para hindi na maulit ang kaparehong insidente.