
Hindi minasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasagawa ng Senador Imee Marcos ng imbestigasyon kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kung sa panig ni Senator Imee ay makikitang may lamat ang kanilang relasyon.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos ay wala itong sinasabi patungkol sa kaniyang kapatid.
Wala rin aniyang anumang pahayag mula kay Pangulong Marcos hinggil sa imbestigasyon ng Senado at si Sen. Imee lamang ang naglalabas ng mga isyu.
Bagamat may mga lumalabas na espekulasyon ng lamat sa relasyon ng magkapatid, sinabi ng Malacañang na hindi pikon ang pangulo at wala namang ipinapakitang hinanakit kahit siya ay binabanatan.
Samantala, no comment naman ang Palasyo sa pag-alis ni Senator Imee sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas at ipinauubaya na kay Cong. Toby Tianco ang pagsagot sa isyu.
Pero sabi ni Castro, kung hindi na pinaniniwalaan ni Sen. Imee ang mga adhikain ng Alyansa, mas mainam na ang kanyang pagkalas dahil hindi na raw talaga magkakaroon ng magandang relasyon.