PBBM, hindi na magsasagawa ng bilateral meetings sa ibang world leaders sa biyahe sa Switzerland

Walang pagkakataon para magsagawa pa ng bilateral meetings sa ibang mga world leader si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa nakatakdang biyahe nito sa Switzerland.

Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Carlos Sorreta na maraming dadaluhang events ang pangulo sa biyahe sa Switzerland.

Aniya, aabot sa 270 events ang dadaluhan ng presidente na gagawin sa loob lamang ng limang araw.


Bukod sa maraming event na dadaluhan, abala rin ang ibang world leaders na pangunahan ang opening session o maging panelist sa mga event kaya malabo talaga ang bilateral meetings.

Posible ayon kay Sorreta na makausap ng pangulo ang mga makakatabi nito sa upuan katulad ng Prime Minister ng Belgium at Presidente ng Korea pero hindi ito bilateral meetings katulad nang ginawa sa ginanap na APEC o ASEAN summit.

Sinabi naman ni Sorreta, ang pangunahing pakay naman ng pangulo sa Swizerland ay pangunahan ang economic team na binubuo ng government officials at business leaders para ipresenta ang economic performance ng Pilipinas sa internationals chief executive officer.

Facebook Comments