PBBM, hindi pabor sa mga kondisyon kapalit ng pakikipagkasundo sa pamilya Duterte

Walang kapalit na pabor ang pagiging bukas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makipagkasundo sa mga Duterte.

Tugon ito ng Pangulo sa pahayag ng kampo ng mga Duterte, na kung bukal aniya sa loob ng presidente ang pakikipagsundo ay dapat pauwiin niya sa bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi makakamit ang tunay na pagkakasundo dahil sa mga kondisyon, kundi idinaraan ito sa maayos na usapan, at pag-resolba sa mga matutukoy na problema.

Kaya naman hindi aniya magpapadala sa mga kondisyon si Pangulong Marcos para lang patunayan na bukas siya sa reconciliation.

Giit pa ng Pangulo, walang patutunguhan ang negosasyong kasunduan kung sa umpisa pa lang ay may mga kondisyon o demand na kapalit ng pagkakasundo.

Gayunpaman, handa aniya ang Pangulo na makinig at ayusin ang lahat ng hihingin at hinanakit ng kabilang partido para matapos na ang gulo, dahil ayaw niya ng may kaaway o kasamaan ng loob.

Facebook Comments