PBBM, hinikayat ang Metro Manila LGUs na tularan ang vertical housing ng Maynila

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba pang lokal na pamahalaan sa Metro Manila na gayahin ang in-city vertical housing ng Lungsod ng Maynila upang mapabilis ang pagbibigay-pabahay sa mga empleyado ng gobyerno.

Ito ay matapos niyang pasinayaan at inspeksyunin ang San Lazaro Residences sa Sta. Cruz, Maynila, isang bagong tayong vertical housing para sa mga kawani ng pamahalaan na may salary grade 18 pababa o kumikita ng hindi hihigit sa ₱45,000 kada buwan.

Ayon sa Pangulo, kahanga-hanga ang bilis ng proyekto dahil umabot agad sa 200 housing units ang naipatayo sa loob lamang ng tatlong buwan.

Pabiro pa niyang sinabi na “naiinggit” siya sa Manila LGU dahil tila panaginip lang ang ganitong progreso para sa National Housing Authority (NHA) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Giit ni Pangulong Marcos, kung magsasanib ang ganitong inisyatibo ng lokal at pambansang pamahalaan, mas marami pang pamilyang Pilipino ang matutulungan sa usapin ng pabahay.

Facebook Comments