Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang gobyerno ng Australya na patuloy na makiisa sa ASEAN Technical and Vocational Education Training (TVET) Council para mas lalong mapalakas ang TVET systems at mga programa ng mga miyembro ng ASEAN.
Ginawa ng pangulo ang paghikayat sa kanyang intervention sa ginanap na 2nd ASEAN-Australia Summit sa Phnom Penh, Cambodia.
Sinabi ng pangulo na bilang inaugural Chair ng ASEAN TVET Council mula 2020 hanggang 2022, inaasahan niyang dadami ang bilang ng mga training at scholarships para sa mga specialists at estudyante sa Pilipinas.
Samantala, nagpasalamat naman ang pangulo sa gobyerno ng Australya dahil sa suporta nito sa Bohol Trafficking in Person Work Plan para sa pagpapatupad ng ASEAN Convention Against Trafficking in Persons lalo na sa kababaihan at kabataan.
Ayon kay Pangulong Marcos ang hakbang na ito ng pamahalaan ng Australia ay mas magpapalakas pa nang kanilang relasyon.
Sa ibang usapin naman inimbitahan ng pangulo ang Australya na palakasin at suportahan ang ASEAN Center for Biodiversity at makiisa sa ASEAN para sa biodiverstiy conservation at promotion.
Habang sa usapin naman ng food security, sinabi ng pangulo na isang welcome engagement sa pagitan ng Australia at Pilipinas ang pagpapatupad ng Strategic Plan for ASEAN Cooperation in Food, Agriculture and Forestry para sa taong 2016 hanggang 2025.
Binigyang diin ng Pangulong Marcos Jr. na ang “Food-resilience at food self-sufficiency ang dalawang basic at prayoridad sa Pilipinas, kailangan daw kasing maprotektahan ang rehiyon at ibang mga bansa sa masamang epekto ng global food value chain maging ang adverse effect ng climate change.
Giit ng Pangulong Marcos, fully committed ang Pilipinas sa mga goal na ito.
Samantala, umaasa ang pangulo na magkakaroon ng mas maayos na kooperasyon sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kooperasyon sa pagsasagawa ng maritime law enforcement at paglaban sa illegal, unreported at unregulated fishing at marine debris.