Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay humihikayat sa lahat ng mga phone subscriber na iparehistro ang kanilang SIM card ngayong umpisa na ng Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act.
Sa Facebook post ng president, nagpaalala ito na mayroong hanggang anim na buwan para makatugon sa itinatakda ng batas na mairehistro ang SIM card ng bawat isa.
Ito aniya ang itinatakda ng batas kaya ang panawagan ng pangulo, i-register ng bawat subscriber ang kanilang SIM sa mga official link ng telecommunication companies.
Dagdag ni Pangulong Marcos na kung may reklamo o anumang katanungan, maaaring tumawag sa 1326 hotline.
Kaugnay nito, una nang inamin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maaaring magkaroon ng ilang problema sa unang dalawang linggo ng SIM registration pero nangako ang mga telco company na patuloy nilang pagbubutihin ang kanilang mga proseso.
Ayon kay DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo, magsisilbing test registration ang unang dalawang linggo pero valid pa rin ito kahit pa magkaroon ng kaunting aberya.