Iminungkahi ni Senator Chiz Escudero kay Pangulong Bongbong Marcos na magbaba ng kautusan na nagpapatigil sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsalita patungkol sa isyu ng West Philippine Sea.
Ang rekomendasyon ng senador ay kasunod ng pahayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na plano nitong magpa-deploy ng mas maraming barko at aircraft na magbabantay sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), pag-tap sa mga reservists para mag-duty sa karagatang sakop ng bansa at ang target na kunin ang mga mangingisda at sanayin ang mga ito na dumipensa.
Ayon kay Escudero, panahon na para mag-isyu ng gag order dito ang pangulo at ang dapat lamang na magsalita sa usapin sa West Philippine Sea ay ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Paliwanag ng senador, kapag nakapanayam sa isyu sa West Philippine Sea ang sinumang heneral ay maituturing na itong ‘act of war’.
Mainam aniya na hindi dapat hinahayaan na magsalita tungkol sa isyu ang isang uniformed personnel upang maiwasan ang anumang misinterpretation, hindi pagkakaunawaan at paglala ng sitwasyon sa pinag-aagawang teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China.
Samantala, pabor naman si Escudero sa planong joint patrol ng Pilipinas at mga kaalyadong bansa sa West Philippine Sea basta’t ang resulta nito ay makapipigil sa panghihimasok ng China at hindi titindi ang sitwasyon.
Magkagayunman, dapat maging malinaw ang terms at rules of engagement sa pagpapatrolya sa teritoryo kung saan ang mga bansang sasama sa Pilipinas ay dapat sumunod sa ating polisiya at hindi sila maaaring kumilos batay sa kanilang sariling interes.