Sa budget briefing ng Kamara ay inihayag ng Department of Health o DOH ang atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magbigay ng insentibo sa mga lokal na pamahalaan upang mapalakas pa ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
Kaugnay nito ay sinabi ni DOH OIC Sec. Maria Rosario Vergeire na lumiham na sila sa Department of Budget and Management (DBM) para sa realignment ng budget para sa naturang insentibo.
Ayon kay Vergeire, nasa 23 million ang kanilang tinarget mula sa kabuoang 40 million booster para sa eligible population para sa unang 100 araw ng Marcos administration pero hindi nakamit.
Sa tala ng DOH, mahigit 72 million na ang mga Pilipino na fully vaccinated kontra COVID-19, o 92.31% ng target population pero aabot lamang sa 21% o 17 million ang nabigyan ng booster dose.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman ng DOH, kabilang sa mga rason kung bakit hindi nagpapa-booster ang karamihan sa mga Pilipino ay dahil marami ang tiwala sa proteksyon ng una at ikalawang dose ng bakuna at kuntento na silang sumusunod sa preventive measures.
Rason din na nakaranas sila ng “side effects” sa unang turok ng primary series at takot sila sa side effects ng booster dose dahil baka magastusan pa sila.
Bukod dito ay pakiramdam ngayon ng karamihan na hindi kailangan ang booster shots dahil hindi naman requirement sa trabaho o paaralan.