PBBM, hinimok ang publiko na magpabakuna

Photo Courtesy: Bongbong Marcos FB Page

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga Pilipino na magpabakuna at magpa-booster para maproteksyunan ang sarili laban sa malulubahang sakit dulot ng COVID-19.

Idinaan ni Pangulong Marcos ang kanyang apela sa video na ini-upload sa kanyang social media accounts kahapon.

Sa kanyang vlog, sinabi rin ng pangulo na wala na siyang nararamdamang anumang sintomas ng COVID-19.


Nabatid na katatapos lamang niyang sumailalim sa seven-day isolation period matapos na magpositibo ulit sa COVID-19 noong July 8.

Aniya, kung hindi niya nakumpleto ang kanyang bakuna at hindi nakapagpaturok ng booster dose ay malamang na naging mas malubha ang naging tama sa kanya ng virus.

Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na maglulunsad ang pamahalaan ng malawakang kampanya para sa COVID-19 booster vaccination para tulungan ang Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd).

Samantala, inatasan din ng pangulo ang DOH na bakunahan ang 90% ng mga senior citizen sa bansa sa loob ng kanyang unang 100 araw sa opisina.

Aniya, walang pangangailangang magpasa pa ng batas para gawing mandatory ang pagbabakuna.

Paliwanag niya, bawat isa ay malayang mamili para sa sariling kalusugan.

Gayunman, malinaw sa mga pag-aaral ng siyensya na malaking ang naitutulong ng pagbabakuna para maproteksyunan tayo mula sa COVID-19.

Sa ngayon, nasa 71.2 million na mga Pilipino na ang fully vaccinated kontra COVID-19.

Pero sa nasabing bilang, 15.4 million pa lamang ang nakatanggap ng booster shots hanggang noong Hulyo 13.

Facebook Comments