PBBM, hinimok na maglabas ng posisyon laban sa online gambling

Hinikayat ni Senator Migz Zubiri si Pangulong Bongbong Marcos na maglabas na ng posisyon kaugnay sa isinusulong na total ban sa online gambling.

Naniniwala si Zubiri na malaking bagay ang magiging posisyon ng presidente laban sa online gambling tulad noong ipagbawal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang e-sabong at nang ipagbawal ni PBBM ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Aminado si Zubiri na kailangan ng political will at magpakita ng “great leadership” ng pangulo para labanan ang online gambling lalo’t maraming malalakas at mayayaman sa lipunan ang tatamaan.

Tiyak aniyang maraming kaibigan ang pangulo na masasagasaan kaya dapat na harapin ito ng gobyerno nang walang takot at pagpabor.

Kaugnay dito ay aapela rin si Zubiri na maisama sa priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang “Anti-Online Gambling Act of 2025”.

Sinabi ng senador na hindi “worth it” ang social cost o negatibong epekto ng online gambling sa kabuuan dahil nariyan aniya ang pagbagsak ng consumerism, pagbaba ng energy use, at pinakamatindi ay ang pagdami ng mga krimen kaugnay sa online gambling.

Facebook Comments