PBBM, humingi ng paumanhin sa abalang dulot ng pagtatayo ng subway project na inaasahang matatapos sa taong 2027

Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagsisimula ng tunneling work sa kauna-unahang subway system sa Pilipinas.

Sa kaniyang mensahe sa launching ng tunnel boring machine para sa Metro Manila Subway Project sa Valenzuela City inihayag ng Pangulong Marcos na ang proyekto ay batay na rin sa misyon ng kaniyang administrasyon na ayusin ang sitwasyon public transportation ng mga Pilipino.

Nagpasalamat rin ang pangulo sa Japanese government at sa Japan International Cooperation Agency o JICA dahil sa patuloy na pakikipagtulungan sa gobyerno hindi lang sa subway project maging sa iba pang mga nakalipas pang mga big tickets project.


Humingi rin ng paumanhin sa publiko si Pangulong Marcos Jr., sa abalang dulot ng pagtatayo ng subway project na inaasahang matatapos sa taong 2027.

Kaugnay nito, tiniyak ng pangulo na gagawa at mamumuhunan ang kaniyang administrasyon sa maayos na public transportation system dahil may magandang epekto ito sa ekonomiya ng bansa.

Samantala, siniguro rin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang P488.4 bilyong proyektong ito ay magiging world class at walang magiging antala sa kabuuang ng konstruksyon nito.

Aabot sa tinatayang 370,000 pasahero ang maseserbisyuhan ng 17 stations ng Metro Manila Subway kung saan iikli na lang sa isang oras at tatlumpu’t limang minuto ang byahe mula Valenzuela City papuntang Manila International Airport sa Pasay City.

Facebook Comments