Nanindigan si Pangulong Bongbong Marcos na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Sa isang ambush interview sa Zamboanga Sibugay, mismong si Pangulong Marcos na ang nagsabing tapos na ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa ICC.
Binigyang-diin pa ng pangulo na sa bansa nangyari ang sinasabing mga krimen kaya sa bansa ito iimbestigahan at hindi sa The Hague.
“Basta tapos na lahat ng ating pag-uusap sa ICC. Kagaya ng sinasabi namin mula sa simula, we will not cooperate with them in any way, shape, or form,” ani Marcos.
“So, we continue to defend the sovereignty of the Philippines and continue to question the jurisdiction of the ICC in their investigations here in the Philippines.”
“They (ICC prosecutors) are talking about Filipinos. Their alleged crimes are here in the Philippines; the victims are Filipino; bakit mapupunta sa The Hague? Kaya’t dito dapat.”
“That’s it. We have no appeals pending. We have no more actions being taken. So, I suppose that puts an end to our dealings with the ICC,” dagdag pa ng pangulo.
Una nang sinabi ng Department of Justice at ng Office of the Solicitor General na ititigil na ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan sa ICC.
Ito ay makaraang ibasura ng ICC Appeals Chamber ang apela ng bansa na huwag ituloy ang imbestigasyon ng international court sa umano’y extra judicial killings sa kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.