PBBM, iginiit na patuloy na ipaglalaban ang teritoryo ng bansa

Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang ibibigay ni katiting na bahagi ng Pilipinas sa harap ng patuloy na agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Pahayag ito ng pangulo sa kaniyang talumpati sa Daniel Inouye Speaker Series sa Asia-Pacific Center for Security Studies sa Honolulu, Hawaii.

Pagbibigay-diin ng pangulo na magpapatuloy ang pagsunod ng Pilipinas sa international rules-based order at palalakasin ang pakikipag-alyansa sa mga kaalyadong mga bansa.


Giit ng pangulo na malinaw naman ang nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 award sa South China Sea arbitration.

Kaya naman igigiit aniya ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapanatili ng soberenya at integridad ng bansa habang mahigpit na nakikipag-ugnayan sa international partners sa pamamagitan ng bilateral, regional at multilateral settings para sa paglikha ng mga patakaran at proseso upang tugunan ang hamong ito.

Kaugnay naniniwala rin ang pangulo na may pangangailangan na rin talagang mai-upgrade ang defense at civilian law enforcement capabilities ng Pilipinas.

Hindi lamang aniya ito para ipagtanggol ang bansa, sa halip para maging katiwa-tiwalang partner sa regional security.

Parte aniya nito ay ang pangangailangang maitaas ang halaga ng pondo para sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard para sa kanilang modernisasyon kabilang na ang mga hakbang upang mas mapalakas ang cyber cooperation.

Facebook Comments