Wednesday, March 25, 2026

PBBM, inalerto na ang buong gobyerno sa UPLIFT Program sa gitna ng energy emergency sa bansa

Pinakilos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buong gobyerno para ipatupad ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), sa bisa ng Executive Order No. 110, kasunod ng deklarasyon ng state of national energy emergency sa bansa.

Sa ilalim ng programa, inatasan ang Department of Energy (DOE) na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente at langis sa pamamagitan ng pagtitipid sa enerhiya, mahigpit na pagbabantay laban sa hoarding at overpricing, at pakikipagtulungan sa Philippine National Oil Company at PNOC Exploration Corporation.

Bukod dito, pinahintulutan ang DOE at iba pang kaugnay na ahensya na agarang makabili ng fuel at petroleum products, kahit mangailangan ng mas mataas na paunang bayad, upang maiwasan ang kakulangan sa suplay.

Samantala, maglulunsad ang Department of Transportation (DOTr) ng mga hakbang para maibsan ang epekto sa commuters at transport sector, kabilang ang fuel subsidy, Libreng Sakay, pagpapahaba ng oras ng tren, at pag-review sa toll at iba pang bayarin.

Kasabay nito, bibilisan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng ayuda at tulong pangkabuhayan sa mga apektadong sektor gaya ng transport workers, magsasaka, mangingisda, at Overseas Filipino Workers (OFW).

Sa usapin naman ng pagkain, titiyakin ng Department of Agriculture (DA) ang sapat at abot-kayang suplay, kasama ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda.

Para naman sa mga manggagawa sa abroad, nakaantabay ang Department of Migrant Workers (DMW) sa posibleng rescue, evacuation, at tulong pinansyal para sa OFW na maaapektuhan.

Sa presyo ng bilihin, maghihigpit ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa hindi makatarungang pagtaas at magpapatupad ng suporta para sa maliliit na negosyo.

Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan na makiisa at maglaan ng pondo at tauhan upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga hakbang.

Facebook Comments