PBBM, inaming malaki ang naiambag ng mga scientist at researcher para sa pagbuti ng kondisyon ng COVID-19 sa bansa

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga eksperto sa science na ipagpatuloy lamang ang pagpapalawak ng kanilang expertise, at maging inspirasyon sa mga kabataang Filipino lalo na sa pagsusulong ng karera sa agham at teknolohiya.

Sa pagdalo ng pangulo sa 2023 annual scientific conference, sinabi nito na sa mga nagdaang taon ng pandemya, naging pamilyar ang publiko sa mga negatibong persepsyon ng tinatawag na vuca o volatile, uncertain, complex at ambiguous global environment o pabago-bago, walang katiyakan, masalimuot at malabong pandaigdigang kapaligiran.

Ngunit ngayon, ayon sa pangulo nakikita na ang unti-unting nabubura ang ganitong sitwasyon dahil sa pagsisikap ng mga scientist at researcher na baguhin ito gamit ang mga bagong pamamaraan o teknolohiya at batay sa siyensiya.


Binigyang diin ng pangulo na sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, siyensya ang tumulong sa mga Pilipino para malagpasan ang mabigat na epekto nito.

Siyensiya rin aniya ang nagbigay ng lunas sa paghihirap ng mga Pilipino dala ng pandemya dahil siyensya ang nag develop ng bakuna para labanan ang matinding sakit o virus.

Kasabay nito ang pasasalamat ng pangulo sa mga taong nasa likod ng siyensiya, teknolohiya at pananaliksik dahil sila ang tumutulong sa lahat para luminaw ang mga bagay na matagal nating hinahanapan ng gamot at solusyon.

Facebook Comments