
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buong suporta ng gobyerno sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para mas mapalakas pa ang kasanayan ng mga Pilipino.
Sa pagbisita ng pangulo sa TESDA training centers sa Taguig, sinuri niya ang mga makabagong training program tulad ng welding, mechatronics, automotive servicing, barista, at plumbing.
Layon nitong masiguro na ang mga pagsasanay ay tugma sa pangangailangan ng trabaho dito at sa abroad.
Ayon kay TESDA Director General Kiko Benitez, gumagamit na sila ngayon ng mga modernong kagamitan gaya ng welding simulation para mas mapadali at mapaganda ang training ng mga estudyante.
Nagpasalamat si Benitez sa pangulo sa patuloy na suporta na nagbibigay inspirasyon sa mga nagtuturo at nagsasanay sa TESDA.
Dagdag pa niya, tumaas na rin ang budget ng mga scholarship program ng TESDA sa ilalim ng administrasyong Marcos na patunay na prayoridad ng gobyerno ang pagpapahusay ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.









