
Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang ₱1.19 trilyong National Tax Allotment (NTA) para sa mga local government unit (LGU) para sa Fiscal Year 2026, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito’y para matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo ng mga LGU at ang agarang pagpapatupad ng mga programang para sa mamamayan.
Noong Enero 26, inaprubahan ni Acting DBM Secretary Rolando Toledo ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notices of Cash Allocation (NCA) na sumasaklaw sa buong taong NTA ng mga LGU, batay sa 2026 General Appropriations Act.
Direktang inilagak ang pondo sa mga awtorisadong government servicing banks ng mga LGU, alinsunod sa umiiral na patakaran sa budgeting, accounting, at auditing.










