Gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mapanood o makita ang live fire exercises ng Balikatan Military Exercises sa Zambales.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar na inimbitahan nila si Pangulong Marcos na saksihan ang mga aktibidad pero hindi lamang aniya sila makatiyak kung dadalo ang pangulo.
Ang live fire exercise ay gagawin sa Zambales na bahagi ng Balikatan Exercise sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Sinabi ni Aguilar na bukod sa live fire exercises, bahagi rin ng mga aktibidad ay ang command post exercises sa Camp Aguinaldo, cyber defense exercises para maprotektahan ang cyber system ng bansa laban sa mga cyber-attack, actual training exercises sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Palawan at Panay Island.
Magsasagawa rin ng humanitarian and civic exercises na gagawin sa Ilocos Norte, Baler, Quezon, Palawan at Antique, kung saan magtatayo ng multipurpose centers ang mga sundalo.