PBBM, inutos ang pagtatayo ng ipunan ng tubig mula sa baha o water impounding facilities

Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Water Resources Management Office o WRMO ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maglatag ng plano para protektahan ang komunidad sa mga baybaying dagat at sa Metro Manila laban sa baha.

Gustong paraan ng pangulo ay magpatayo ng water impounding facilities para mapangasiwaan ang water resources ng bansa.

Inutos ito ng pangulo matapos makipagpulong sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Irrigation Administration o NIA at binigyan siya ng briefing kaugnay sa flood control programs at pangangasiwa sa mga dam.


Pinapa-monitor ng pangulo kung ano ang kailangan pang idagdag sa mga proyekto ng DPWH na popondohan ng tinatayang 351 bilyong piso, o ang paglalagay ng mga dike, waterways, spillways, at pumping stations para mas maging mabilis ang paglalabas ng tubig at muling magamit.

Sinabi ng pangulo, hindi dapat tinatapon ang tubig na mula sa baha dahil kailangan ito.

Naghahanap na aniya ang gobyerno ng mga lugar sa labas ng metro manila kung saan pwedeng ipatayo ang malalaking impounding areas para makontrol ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha.

Ang tubig na maiipon aniya ay pwedeng gamitin sa sektor ng agrikultura kasabay ng pagbibigay proteksyon din sa mga nakatira sa tabi ng ilog at dagat.

Facebook Comments