PBBM, inutusan ang mga bagong promote na mga heneral ng AFP na bigyan siya ng regular na update sa security intelligence at analysis para magabayan siya sa pagdedesisyon

Nanumpa mismo sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga bagong promote na general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa mensahe, sinabi ng pangulo na inaasahan niya na regular siyang bibigyan ng briefing bilang Commander-in-Chief, ng mga bagong promote na opisyal hinggil sa security intelligence at analysis para magabayan siya sa pagpaplano at paggawa ng desisyon.

Ayon sa pangulo, ang panahong ito ay maituturing na bagong era para sa AFP, na hindi lamang ang panloob na seguridad ang binabantayan kundi maging ang mga pangyayari sa labas ng bansa.


Binigyang diin ng pangulo na kailangang manatiling epektibo, at responsable ang AFP tungo sa pagtahak sa tamang direksyon alinsunod sa konstitusyon at sa sinumpaan nilang tungkulin.

Aminado naman ang pangulo na patuloy ang mga hamon sa seguridad ng bansa kaya hindi aniya kailangang matigil ang pagbabantay dito.

Kaya malaki aniya at mas mabigat ang inaasahang responsibilidad ng taongbayan sa mga opsiyal na ito.

Facebook Comments