Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Department of Budget and Management (DBM) na ibalik ang alokasyon na P400 million na pondo ng Department of Tourism (DOT) para sa branding.
Sa naging pulong ni PBBM at Tourism Secretary Christina Frasco ngayong Miyerkules sa Malacañang, sinabi ni PBBM na dapat ibalik ang pondo para mapanatili ang momentum sa pagpapalakas ng turismo sa bansa.
Tuloy-tuloy na aniya ang pagkilala sa Pilipinas ng ibang bansa gaya ng mga naging tagumpay ng ating mga kababayan tilad nina double Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at The Voice US champion na si Sofronio Vasquez.
Ibinida rin ng pangulo ang kabayanihan ng mga Filipino health workers noong panahon ng COVID-19.
Nagpasalamat naman si Secretary Frasco kay PBBM at sa inisyatiba ng administrasyon na mapalakas pa ang sektor ng turismo.
Noong nakaraang taon, nasa P760 billion ang kinita ng bansa mula sa milyun-milyong mga turista na pumasok sa Pilipinas.